Ang papuri ay kay Allah (SWT) lamang ang lumikha sa mga bagay na nakikita at hindi nakikita at ginawang ang mga ito ay kaibig-ibig sa mata ng kanyang mga alipin at magsilbing palatandaan ng Kanyang pagiging Panginoon at Tagapaglikha ng mga ito. Pasasalamat kay Allah (SWT) sa pananampalataya na Kanyang ibinigay, ang Islam, at ang gabay ng sangkatauhan, ang Qur'an. Marapat na Siya ay bigyan ng papuri at pagluwalhati na Siyang nagbibigay ng Awa sa buong mundo.
Ako ay sumasaksi na walang ibang Diyos tangi sa Kanya at si Muhammad (SAS) ang huli at sagka ng mga Sugo. Nawa ang kapayapaan at biyaya ay mapasakanya, sa kanyang pamilya sa kanyang mga sahaba at ang sinumang sumusunod sa kanila sa paggawa ng mabuti hanggang sa araw ng paghuhukom.
Ang tao ay binigyan ng Makapangyarihang Allah (SWT) ng talino upang magamit ito sa mabuting bagay at linangin ang isipan sa kaalamang Kanyang inilagak sa bawat isa na Kanyang nilalang. Tayo ay biniyayaan Niya ng ibat-ibang katangian at antas ng karunungan na kailanman ay hindi nagkaroon ni isang pagkakahawig, bagkos ginawa Niya itong magkakaiba upang tayo ay magpalitan ng ating kaalaman sa isa't-isa at ito ang isa sa mga tanda ng Kanyang pagiging Pinakamaalam.
Kabilang sa mga ito ay binigyan Niya ang Kanyang alipin ng kaisipan (Utak) at ito ang nagsisilbing imbakan (Imbakan na ibig sabihin ay sisidlan o lagakan) ng lahat ng mga kaalamang natutunan na Kanyang ibinahagi sa sangkalupaan.
Ang imbakang ito ay dapat na kinapapalooban ng matalinong pagpapasya, na gamitin ang mga natutunang kaalaman hinggil sa relihiyong Islam na ating nasumpungan sa tamang pamamaraan.
Ang utak ang nagbibigay kaliwanagan sa mga pag-aalinlangan na hindi dapat taglayin ng isang tunay na mananampalataya. Anumang samu't-saring palagay o haka ng isang mananampalataya, ito ay dapat na pagtuunan at mabigyan kaagad nang pagpapasya na magamit ang kaalamang ito sa tama at dapat na naaayon sa batas Islamiko, ang Qur'an at ang Sunna ng Propeta Muhammad (SAS). Sapagkat kung ang pag-aalinlangan ay mananalasa sa imbakang ito, ang kanyang Aqeeda at Eeman ay hindi masasabing buo at matibay.
Gayun din, ibinigay ni Allah (SWT) ang puso bilang imbakan ng mga saloobin. Ang imbakang ito ang humahawak sa lahat ng damdamin na nararamdaman ng isang tao, ito man ay nagtataglay ng kasiyahan at kalungkutan, tagumpay man o kabiguan. Base na rin dito, ang pagkakaroon ng matiwasay na pamumuhay, upang ito ang magsilbing hugpungan tungo sa kapatirang Islam at maging isang matibay na sandata upang mapagpunyagian ang minimithing pag-kakaisa ng mga Umma ng Islam. Maging isang matibay na tulos upang maipagtanggol ang nakararami sa mapang-aping lupon ng mga walang pananampalataya.
At upang hindi magkaroon ng sigalot sa magkapatid na Muslim, hindi dapat na hayaang maisiwalat ang nasumpungang sikreto ng isang tao. Dapat niya itong panatilihin sa kanyang imbakan at huwag hayaang maisiwalat upang hindi magkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa isa't-isa. Himukin ang sariling pagtakpan sa mga mapanuring lipunang kanilang kinabibilangan, ang nasumpungang sikreto at panatilihin ang mga ito sa imbakan ng saloobin, at ipinid ang mga ito hanggang tayo ay bawian ng buhay.
Kabilang ito sa mga biyayang ibinigay ni Allah sa Kanyang mga alipin at matatawag natin itong isang Amanah. Ang gantimpalang ito na kailan man ay hindi dapat ipagsawalang bahala ng Kanyang alipin na kung saan ang lahat ng Kanyang nilikha ay binigyan Niya ng natatanging gantimpalang ito upang ang Kanyang mga alipin ay matutong sumunod nang may pagkatakot sa Kanya at upang mabatid ng mga tao ang Kanyang hangarin sa Kanyang mga nilikha.
Sa Hadith na kung saan ay isinalaysay ni Abu Huraira (RA): Ang sugo ni Allah…Muhammad (SAS) ay nagsabi: "Ang Al Amanah ay inilagak sa ugat ng puso ng mga tao sa simula palamang na pagkakalikha nito at ito ay kanilang natutunan mula sa Qur'an at sa sunna ng Propeta."
Hinggil sa pagkawala nito sa puso ng bawat isa ay kanyang sinabi: "Sa pagtulog ng isang tao na kung saan ang Al - Amanah ay aalisin sa kanilang puso at tanging ang bakas lamang ang matitira dito at ito ay kahalintulad ng bakas ng isang apoy at sa muli niyang pagtulog na kung saan ang natitirang Al Amanah sa kanyang puso ay muli itong kukunin na kawangis ng isang maga sa kanyang balat na sa pagdampi ng init ng uling o ng apoy, ito ay dagling puputok subalit sa katunayan ito ay walang laman. Kung kaya darating ang araw na kung saan ang mga tao ay nagkakaroon ng transaksyon hinggil sa kalakalan sa isa't-isa at mahirap matagpuan ang mga taong mapagkakatiwalaan. At ito ay sasabihin na sa tribong iyon ay mayroon taong matapat at may taong hahangaan sa kanyang katalinuhan, sa pagkakaroon ng kagandahang asal at lakas, subalit ang katotohanan siya ay walang paniniwala na kasing bigat ng mustasa sa kanyang puso".
Sa kabilang dako, Ang imbakan ng saloobin ay marapat na walang puwang sa mga pag-aalinlangan hinggil sa Aqeeda na dapat ito ay punong-puno at umaapaw ng eeman sa pagsunod sa lahat ng hangganan ng Kanyang Rabb – Si Allah (SWT).
Ginawang ang puso, sentro ng pisikal na katawan upang ito ang mag-udyok nang mga saloobing may lantay at busilak na damdamin hinggil sa mga nasumpungang saloobin. Kanya, ito ang dapat na ipamuhay ng malaya at walang anumang bahid ng pag-aalinlangan at pagkukunwari.
Hinggil sa mga bagay na makapagbibigay batik sa busilak na puso, na masakop ito ng mga maling gawi, marapat na bantayan ang imbakang ito na hindi makahulagpos, ang mga natatagong saloobin na magbubulid sa tao na magkasala at tahakin ang landas na ginusto ni Shaytan, ang isinumpa, ang siyang daan upang makamit ang kaparusahang hindi niya hinangad kailan man. Dapat nating bantayan na huwag mabuksan ng susi ang kandado ng saloobin – ang mga labi.
Ang mga labing ito na bahagi ng katawang pisikal ang nagsisilbing sagka o kandado upang maipinid ang mga saloobing magiging dahilan upang ang tao ay mabulid sa Apoy ng Impyerno. Pinahintulutan ni Allah (SWT) na maging sagka o kandado ang mga labi upang ipinid nito ang mga dila bilang susi.
Marapat lamang na buksan ng susi ang sagka kung ito ay hinggil sa kaalamang makapagbibigay ng magandang resulta sa tao – ang karunungan, na ito ay dapat na ipamahagi ng walang pagmamalaki o pagmamayabang sa kanyang sarili. At kung nabuksan ng susi ang sagka at naipamahagi ang kaalamang ito, dapat na ito ay maipamuhay na naaayon sa batas ng Islam. At alamin kung ano ang Aqeeda na kanyang pinaniniwalaan na walang pasubali at may katampatang pagtalima ng malaya.
Ang Aqeedah ay mga bagay hinggil sa kaalaman na idinidikta ng ating puso sa ating isipan at hindi ito isang praktikal na bagay lamang. Ito ay isang bagay na dapat at nararapat na paniwalaan ng kanyang puso ng walang pag-aalinlangan. Sapagkat ang bagay na ito ay binanggit ni Allah (SWT) sa Kanyang Kapahayagan at sa mga rebelasyon ng Propeta Muhammad (SAS).
Sinabi ni Allah sa Banal na Qur'an: “Aamanar-Rasoolu bimaaaa 'unzila 'ilayhi mir-Rabbihee walmu'minoon; kullun 'aamana billahi wa malaaa'ikatihee wa Kutubihee wa Rasulihee laa nufariqu bayna 'ahadim-mir-Rasulih; wa qaaloo sami'naa wa 'ata'naa ghufraanaka Rabbanna wa 'ilaykal-maseer”. Ang Mensahero (Muhammad -SAS) ay naniniwala kung ano ang ibinaba sa kanya na nagmula sa kanyang Panginoon, at yaong mga naniniwala. Ang bawat isa ay naniniwala kay Allah (Azza wa Jal), Sa mga Anghel, sa mga aklat at sa mga Mensahero.
(At sinabi nila), "Hindi kami nagbigay ng pagkakaiba sa bawat mensahero – at kanilang sinabi, Kami ay nakinig, at kami ay tumalima. Kami ay humingi ng inyong patawad, aming Panginoon, at sa Iyo kami ay magbabalik" (Al Baqara 2:285)
Gayundin, Isinalaysay ng Propeta (SAS) ang paniniwalang ito sa pamosong hadith ni Jibreel na kung saan ay kanyang sinabi: "Ang Eeman ay ang maniwala kay Allah, sa Kanyang Anghel, sa Kapahayagan o Aklat, ang pagkakaroon ng ugnayan Niya at ng kanyang Mensahero, at ang maniwala sa Muling Pagkabuhay."
Ang Aqeeda sa Islam ay tumutukoy sa mga bagay na kaalaman na kung saan ito ay ipinadala sa kapanipaniwalang pagpapahayag na nagmula kay Allah (SWT) sa kanyang mensahero, na kung saan ang bawat Muslim ay kailangang paniwalaan ang mga bagay na ito na bukal sa kanilang puso.
Kailangan na ang imbakan ng kaalaman ay mabuksan ng susi (ang mga dila) ang sagka – (ang mga labi) upang ito ay maibahagi sa kanyang kapuwa at magkamit ng mabuting pagpapala na nagmula sa kanyang Rabb –si Allah (SWT).
At bilang imbakan ng saloobin (ang puso), ang prinsipyo hinggil sa Aqeeda ay dapat na paniwalaan, dapat na ito ay tantos sa ating puso na walang pag-aalinlangan. At kung mayroon mang puwang ng pag-aalinlangan, ang aqeeda ay mahina o hindi ito matatawag na aqeeda. Ang Aqeeda na ang ibig sabihin - na pinaghahawakan ng isang tao ang kanyang pananampalataya at kailanman ay hindi niya iniisip ang kahit na anumang pagdududa sa kanyang puso at isipan at walang kakulangan kung ano ang hinihingi at nakapaloob sa kautusan ng Nag-iisang Diyos na Tagapaglikha.
Ang tunay na Aqeeda sa ngayon ay hindi matatagpuan kahit saan, maliban lamang sa relihiyong Islam, sapagkat ito ay protektadong relihiyon na kung saan si Allah (SWT), ang Kataas-taasan ay ginarantiyahang protektahan ito.
At sinabi ni Allah (SWT) sa Banal na Qur'an: “Innaa Nahnu nazzalna-thikra wa 'Innaa lahoo lahaafithoon”. Katotohanan, Kami, itong nagpadala ng mga Dhikir at katotohanan, Amin itong babantayan sa magnanais na ito ay baguhin" (Al Hijr: 15:9)
Ang Islamikong Aqeeda, ang kawangis nito ay ang pangangailangan ng tao sa tubig at hangin. Kung walang Aqeeda, ang isang tao ay ligaw at balisa. Ang Islamikong Aqeeda ay ang natatanging makapagbibigay katugunan sa lahat ng mga katanungan sa isipan ng bawat isa: halimbawa nito ay kung saan siya nagmula; ano ang ating relasyon sa ating Tagapaglikha at marami pang ibang katanungan na hindi kayang sagutin ng ibang relihiyon maliban sa relihiyong Islam.
Kaya mga kapatid, panghawakan natin ang biyayang ibinudbod ni Allah (SWT) sa atin na hindi natin mawasak ang Aqeeda na Kanyang pinananahan sa ating puso at isipan.
Sa kabilang dako, ang hinggil sa Eeman (faith) ang pagbibigay puri sa Kanyang Rabb ay hindi masasabing isang Aqeeda o paniniwala. Ang Aqeeda ay bumubuo ng pundasyon at basihan ng solidong Eeman.
Kung kayat ang Eeman ay ang Aqeedah, na ito ay matibay na dapat nakaukit sa kanyang puso. Ito ay nakakapit at kailan man ay hindi kayang mawala dito.
Ito ay berbal na sinasabi at pinatutunayan ng mga mananampalataya na kung saan nananalaytay at nag-uugat ang Aqeedah sa kanilang puso. Ang kanilang paniniwala at paglalahad ay pinatotohan ng kanilang mga gawa, pagtibayin sa dikta ng Aqeeda.
Mga kapatid, ang paniniwalang nag-uugat sa puso subalit walang malinaw na manipestasyon o hindi isinasagawa sa kanyang sarili ay walang saysay – ito ay hungkag - walang laman! At ito ay matatawag na malamig na pananampalataya at hindi ito karapat-dapat na tawaging Aqeeda. Marami sa atin - alam ang katotohanan subalit hindi nila ito isinasabuhay. Sila – ang mga taong yaon ay tumatanggi sa katotohanan na sa paniniwala nila na iyon ang totoo.
Si Iblis[1]…alam niya at tiyak niya ang katotohanan hinggil kay Allah (SWT), kilala niya ito at alam niya ang hinggil sa mga mensahero at mga aklat, subalit pinili ng kanyang sarili ang sumuway sa katotohanan kahit batid niya ang buong katotohanan.
At kilala 'nyo ba si Abu Talib[2]? Ang tiyuhin ng Propeta (SAS), kanyang sinabi at ito ang kanyang ginawang dahilan:
"Alam ko na ang relihiyon ni Muhammad ay ang isa sa pinakamahusay na relihiyon sa buong mundo, na hindi kayang katakutan ng may pagsisi at di kayang dustain, batid ninyo at nakikita ninyo na akin itong kinikilala ng hayagan".
Mga kapatid ko sa Islam, hindi sapat ang pagkilala sa relihiyong Islam o ang pagkilala sa Diyos na pinaniniwalaan ng mga Muslim. At si Abu Talib, binawian siya ng buhay na hindi niya ito isinapuso bilang kanyang Aqeeda.
Pasalamat tayo mga kapatid at hindi tayo nagkaroon ng ganitong pananaw, ang pananaw ng walang paniniwala at pananampalataya. Sapagkat ang hindi paniniwala sa katotohanan na ang Islam ang relihiyon ng tao at si Allah (SWT) ang Nag-iisang Diyos ay isang pagkaligaw at ang pagkaligaw ay makapagbubulid sa kanya sa Apoy ng Impiyerno.
Mga kapatid, ang Eeman ay hindi nangangahulugang kilalanin lamang ito ng lantaran at maniwala na si Allah (SWT) ay totoo. Ang Eeman ay ang kahulugan ng Aqeeda na kung saan ang isang tao ay tanggap niya ito sa kanyang puso at sinasabi ng kanyang dila at ito ay kanyang tinatanggap at palagian niya itong sinusunod kung ano man ang itinakda at ipinag-uutos ni Allah (SWT).
Ang Eeman ay kawangis ng isang maganda at mayabong na punong kahoy na nakatayo sa isang matabang lupa na ang kanyang mga sanga ay tila baga nagpupugay sa kalangitan, nagbibigay ng magagandang bunga sa mga tao ayon sa biyaya ng Panginoon.
Ang Eeman ay ang puno; ang ugat ay ang Aqeeda, na kung saan ito ay nag-uugat ng malalim sa puso at ang kanyang katawan, mga malabay na sanga at mga bunga ay ang mga mabubuting kilos at gawa.
Magkagayon man, kung ang ugat ay alisin o ito ay mabulok at matuyo, ito ay mamamatay. Kahalintulad ito na kung ating aalisin ang Aqeedah ang Eeman kailan man ay hindi magtatagal at ito ay maglalaho. Kung ang katawan nito at ang mga sanga ay ating aalisin, ang puno ay manghihina na maaaring ikamatay nito sapagkat ang mga sanga at puno ng kahoy ay kinakailangan upang ito ay patuloy na yumabong at mabuhay. Kahalintulad nito na kung ang mga mabubuting gawa ay hindi isinasa-alang-alang ng isang tao, kahati man o kabuuan, ang Eeman ng isang tao ay mababawasan o patuloy na masisira.
Sa hadeeth ng Propeta Muhammad (SAS) kanyang sinabi: "Khairukum Mantallah Umruhu wa Hasuna amalluhu". - ang pinakamabuti sa inyo ay ang taong nabuhay ng matagal at gumawa siya ng mga mabubuting gawa.
Mga kapatid, kung ang isang tao ay gumagawa ng mabubuting gawa at siya ay hindi lumilihis sa mga hangganang itinakda ni Allah (SWT) ng walang pag-aalinlangan, ang kanyang Aqeeda at Eeman ay buong buo at siya ang pinaka mahusay na tao na nilikha ni Allah (SWT).
Kaalinsabay nito si Allah (SWT) ay magbibigay ng magandang biyaya sa Kanyang nilikha at winika ng Propeta (SAS):
"Man ahabba an yubsatta lahu fee – risqhihi wa yunsaa lahu fee ajalihi fal yaseel raheemmahu." Ang sinumang ginusto ni Allah (SWT) ay ginawa Niya ang sustento na bukas at pinalawig Niya ang kanyang buhay, kung gayon dapat niyang ingatan na manatili sa kanya ang pinakamalapit niyang kamag-anak."
Kaya mga kapatid ang aqeeda at Eeman sa puntong ito ay nagkaroon ng mabuting biyaya dahil sa pagsunod at pagtatangi sa Kanyang nilikha kung kayat siya ay minamahal ng Allah (SWT) at binigyang katugunan ang kanyang pagiging masunurin sa mga hangganang Kanyang itinakda.
Hinggil naman sa sinasabi ng mga labi na nag-uugat sa kanyang puso at kaisa nito ang pagsasabi ng la illaha illallah ng may sinseridad, ang aqeeda ay may malinaw at solidong pundasyon at mananatiling nakakapit ito sa kaibuturan ng kanyang puso. Subalit kung ang isang tao ay palagiang nagsasabi nito na walang kaakibat na gawa at hindi nananalaytay sa kanyang puso, siya ay nabibilang sa mga hindi naniniwala.
Ang pagsasabing walang ibang Diyos na dapat sambahin maliban kay Allah (SWT), ay isang napaka-mahalagang bagay sa isang Muslim, na patuloy na nananalig sa kaisahan ni Allah. Nararapat na malaman niya ang kahulugan nito at ang mga kundisyon, upang magkaroon siya ng gabay sa pagsasabuhay nang kanyang ipinahayag na pagsaksi:
Ang sabi ng Propeta Muhammad (SAS):
"ang sinuman ang nagsabi ng La illaha illallah, ay makakapasok sa Paraiso."
Sa pagpapahayag ng la illaha illallah, ito ay kailangang:
1. Bukal sa kanyang puso na hindi siya pinilit o pinuwersa ng sinuman o anuman.
2. Siya ay nasa matinong pag-iisip. Na hindi siya nasa ilalim ng impluwensiya ng anumang bagay.
3. Ito ay kanyang bibigkasin sa pamamagitan ng kanyang dila.
Ang Walang Diyos Kundi si Allah ay ang pangunahing saligan ng Islam at ito ay may pinakadakilang kalagayan sa Relihiyong Islam. Sapagkat ito ang una sa mga haligi ng Islam, ang pinakamataas na sangay sa mga sangay ng pananampalataya. Ang pagtanggap ni Allah (SWT) sa mga gawa ng tao ay nakabatay sa pagpapahayag nito at sa pagkilos o paggawa ayon sa mga hinihiling nito.
Tungkol naman sa totoong kahulugan nito na hindi dapat lumihis dito ang pag-unawa ay walang sinasamba sa totoo kundi si Allah; ang kahulugan nito ay ‘walang Tagapaglikha kundi si Allah (SWT),’ o ‘walang may kakayahang lumalang kundi si Allah (SWT),’ o ‘walang umiiral kundi si Allah (SWT).’
Ang pahayag na ito ay may dalawang Saligan:
1. Ang pagkakaila. Ito ay napapaloob sa pagsabi natin ng Lā Ilāha: Walang Diyos, sapagkat ikinaila nito ang pagkadiyos ng lahat ng bagay at mga nilikha Nito.
2. Ang pagkilala. Ito ay napapaloob sa pagsabi natin ng Illallāh: Kundi si Allah, sapagkat kinilala nito na ang pagkadiyos ay ukol kay Allah (SWT) lamang at wala Siyang katambal.
Ang pagpapahayag ng la illaha illalah, kailangang nanggaling ito sa puso, ng may matinong pag-iisip, binibigkas ng dila. Dahil ang pagkakaiba ng Muslim, kafir at munafiq ay:
- ang Muslim ay kanyang ipinahahayag ang la illaha illallah mula sa kanyang isip, puso at dila at ipinamumuhay niya ito ng malaya ayon sa katuruan ng Islam.
- Ang kafir ay kanyang sinasabi na naniniwala siya sa Nag-iisang Diyos sa kanyang puso't isip, ngunit hindi naman niya binibigkas ang katagang la illaha illalah.
- Ang munafiq ay bigkas nang bigkas ng katagang laillaha illallah at alam niya ang kahulugan nito ngunit wala naman sa kanyang puso.
Mga kapatid huwag nating hayaan na mapabilang sa dalawang huling nabanggit. Bantayan natin ang ibinigay ng Allah (SWT) at gamitin ito sa tamang pamamaraan.
Dapat at lagi nating pakatandaan, ang imbakan ng mga saloobin at ang imbakan ng kaalaman ay hindi dapat maghiwalay. Sa paniniwalang dito nag-uugat ang lahat nang magbibigay ng isang matibay at solidong pundasyon ng Aqeedah at ng Eeman ng isang taong may takot at nagtataglay ng tunay na pananampalataya.
Na ang utak, ang imbakan ng kaalaman na dito inilagak ni Allah (SWT) ang lahat ng ating nasumpungang karunungan. Wala ni isa man ang maaaring umagaw sa mga ito maliban sa Kanya. Kayat ibahagi ang mga natutunang kaalaman sa mga taong may kapos sa bagay na ito. Ang puso ang imbakan ng saloobin na marapat na iyong panghawakan, na hindi humulagpos ang kandado na mabuksan ito ng susi upang mapanatili ang mga nakaimbak na saloobin hinggil sa Aqeeda at Eeman hanggang bawian tayo ng buhay.
Ang mga labi ang sagka na siyang magsisilbing harang kung ang mga bagay na dapat na isiwalat ay hindi naaayon sa katuruan ng Islam na dapat ito ay bantayan. Subalit kung hinggil sa kaalaman, ito ay dapat na mabuksan at maipamahagi ng libre at malaya at gamitin ang mga susi nito ang dila.
Nawa’y nakapagbigay ng munting kaalaman ang paksang tinalakay at nawa’y silayang muli ng liwanag ang sarili sa pagkilala hinggil sa pananampalatayang ating nasumpungan pagkatapos nating yakapin ang pananampalatayang Islam.
Ashadu annla Illaha illa anta wa astagfiruka wa tooboo ‚ilayh.
Ahabbakufillah… (Minamahal ko kayo ng Dahil kay Allah [SWT]).
Assalam Alaykum wa Rahmatullahi wa Barakatu.(sumainyo nawa ang kapayapaan, Awa at biyaya ng Tagapaglikha)
[1] Iblis (o siya si Shaytan na nilikha ni Allah (SWT) mula sa apoy na walang usok at siya ay nabibilang sa mga jinni (maligno). Siya ang isinumpa ni Allah (SWT) ng ito ay sumuway sa Kanyang ipinag-utos na magpatirapa kay Adan ng si Adan ay likhain at bigyang buhay.
[2] Si Abu Talib ay ang kapatid ng Ama ni Propeta Mohammad (SAS) na nag-aruga at nagpalaki sa kanya nang mamatay ang kanyang Amang si Abdullah at ang kanyang Inang si Amina.